Hinimok ni Davao City 1st District Representative Paolo Duterte ang Department of Health, mga lokal na pamahalaan at civic organizations na magtulungan upang mapaigting pa ang information drive kaugnay sa Monkeypox virus.
Kasunod ito nang unang naitalang kaso ng naturang virus sa bansa.
Iginiit ni Duterte na dapat turuan ang publiko tungkol sa sintomas, paano matutukoy, maipapasa, maiiwasan at magagamot ang Monkeypox na makatutulong upang maagapan ang paglaganap ng sakit.
Makatutulong din aniya ang information drive upang maitama ang mga maling impormasyon tungkol sa Monkeypox at maiiwasan ang pagpapanic ng publiko sakaling may matukoy pang kaso ng naturang sakit sa bansa.
Sinabi pa ni Duterte na sa pamamagitan nito ay mahihikayat ang mga tao na agad magpakonsulta. —sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)