Hindi nasayang ang maikling biyahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Russia kahit mahigit isang oras lang silang nagkausap ni Russian President Vladimir Putin.
Kinailangang bumalik agad sa Pilipinas si Pangulong Duterte matapos magdeklara ng Martial Law sa Mindanao dahil nais nitong matutukan ang paglutas sa kaguluhan sa Marawi City at kailangan niyang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan laban sa terorismo.
Sinabi ng Pangulo na walang tinanggihan si Putin sa mga hiniling nito para sa pamahalaan gaya ng soft loan sa mga kailangang armas ng gobyerno.
Sa katunayan aniya ay sampung minuto lang ang hiniling nito para makausap at makapagpasalamat kay Putin na nasa ibang lugar sa Russia subalit bumalik ito sa Moscow para magkita sila at tumagal ng isang oras at kalahati ang meeting.
Sinabi ng Presidente na nagpalitan sila ng mga pananaw ni Putin sa isyu ng terorismo, ekonomiya at iba pang usapin at tatlong beses na tinanong kay Defense Secretary Delfin Lorenzana ang listahan ng mga kailangang armas ng Pilipinas.
Ayon sa Pangulong Duterte, masaya siya kahit maikling panahon lamang ang naging pag-uusap nila ng Russian President dahil wala itong tinanggihan sa lahat ng mga iminungkahing agenda sa bilateral meeting.
Kasabay nito sinabi ng punong ehekutibo na may imbitasyon si Putin sa mga Pilipino para mag-aral ng medisina sa Russia dahil malawak na aniya ang kanilang pag-aaral patungkol sa immune system ng isang tao.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping