Ipinasusuri na ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga runways lalo na ang main runway ng Ninoy Aquino international Airport (NAIA).
Ito ay upang matiyak na hindi na mauulit ang nangyaring aberya sa NAIA makaraang matuklasan ang butas sa Runway 06-24 na nagresulta sa pagsasara nito ng mahigit 5 oras at nakaapekto sa mahigit 100 flights.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, wala naman silang nakitang pagkukulang sa maintenance ng runway subalit pag-aaralan pa rin nila kung kailangan pa itong imbestigahan.
Sa ngayon anya ay bumalik na sa normal ang operasyon ng NAIA at minsan pa ay humihingi siya ng paumanhin sa lahat ng pasaherong naapektuhan.
Matatandaan na 22 flights ang na-divert sa Clark International Airport dahil sa pagsasara ng Runway 06-24.
Bahagi ng pahayag ni MIAA General Manager Ed Monreal
Transportation Department
Nakahanda ang Department of Transportation na imbestigahan kung anong klaseng materyales ang ginamit sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Transportation Undersecretary BOBBY lim, makikita naman sa isasagawa nilang pagsusuri kung may mali sa ginamit na materyales kayat biglang nagkabutas sa Runway 06-24 na naging dahilan para isara ito at maabala ang libu-libong pasahero.
Gayunman, ipinaliwanag ni Lim na talaga namang nakatakda nang isalang sa maintenance o overlaying ang runway ng NAIA ngayong taon o sa susunod na taon.
Huli anyang isinagawa ang overlaying ng runway noong 2011 at isinasagawa ito tuwing ika-apat o ika-limang taon.
PAL passengers
Kaugnay nito, nakabalik na ng Metro Manila ang lahat ng pasahero ng Philippine Airlines mula sa Clark International Airport.
Dalawampu’t dalawang (22) eroplano na kinabibilangan ng Philippine Airlines ang na-divert sa Clark matapos isara ang Runway 06-24 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa butas na runway.
Ayon kay Cielo Villaluna, Spokesperson ng PAL, bagamat hindi naman kasalanan ng PAL ang pangyayari ay ginawa nila ang lahat upang maging komportable pa rin ang kanilang mga pasahero.
Maliban sa mga na-divert na flights, 7 international flights at 7 round trips ng domestic flights pa ng PAL ang nakansela dahil sa pagsasara ng runway.
Bahagi ng pahayag ni PAL Spokesperson Cielo Villaluna
Change is coming
Samantala, inilatag na ng pamunuan ng Manila International Airport Authority ang ilang pagbabago sa operasyon ng Ninoy Aquino International Airport.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, inaasahang sa susunod na dalawang buwan ay magkakaroon na ng mas mabilis na wi-fi connection sa NAIA.
Ipinaubaya na rin anya nila sa mga airlines ang maintenance ng mga comfort rooms sa NAIA.
Matatandaan na ang mabagal na wi-fi at maruming comfort rooms ang malimit na reklamo ng mga pasahero sa NAIA.
Samantala, sinabi ni Monreal na handa silang gawing eksklusibong muli sa mga yellow taxi ang NAIA.
Ito anya ay kung mapupunan ng yellow taxi ang malaking kakulangan ng kanilang units na pumapasada sa NAIA.
Pinuna ni Monreal na hindi tugma ang dami ng prangkisang naibigay sa yellow taxi kumpara sa units na bumibiyahe.
Una nang pinayagan ni Monreal na makapasok sa NAIA ang mga regular na taxi.
By Len Aguirre | Ratsada Balita
Photo Credit: philippineairspace.blogspot.com