Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ibabalik nila ang mainit at magandang pagtrato na ibinigay ng China sa Pangulong Benigno Aquino III nang dumalo ito sa APEC Summit sa China noong nakaraang taon.
Ayon kay Assistant Secretary Charles Jose, Spokesman ng Department of Foreign Affairs (DFA), isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbisita sa bansa ni Chinese Foreign Minister Wang Yi ay upang tiyaking magiging ligtas at matagumpay ang pagdalo ni Chinese President Xi Jinping sa APEC Summit.
“Ang main concern po nila ay sana ang pagpunta po dito ni Chinese President Xi Jinping ay maging safe, maging successful ang kanyang pagpunta dito, at ang pangalawang topic po ay ang ating bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at China at nagkasundo po ang parehong panig na i-resume po ang foreign ministry consultations.” Ani Jose.
Kinumpirma ni Jose na napagkasunduan ni Wang at Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na huwag isulong sa APEC Summit ang hindi pagkakaunawaan ng dalawang bansa sa isyu ng West Philippine Sea.
Maging sa bilateral talks aniya nina Del Rosario at Wang ay hindi pag-uusapan ang isyu ng West Philippine Sea dahil may nakahain nang kaso hinggil dito sa Arbitral Tribunal ng UNCLOS.
“Sabi lang nila sana ay walang ire-raise na contentious issues sa APEC, sa panig naman po natin alam po natin na hindi proper venue ang APEC para pag-usapan ang mga political security issues, hindi naman po natin ire-raise itong South China Sea at sa bilateral level hindi din po natin pag-uusapan kasi meron tayong naka-pending na case.” Pahayag ni Jose.
By Len Aguirre | Ratsada Balita