Patuloy pa ring mararansan ang mainit na panahon.
Ito ay sa kabila ng mga nararansang thunderstorm sa Metro Manila at Central Luzon.
Ayon sa PAGASA, magiging mainit pa rin ang panahon lalo na tuwing umaga.
Ganitong panahon anila ang aasahan kahit sa mismong araw ng eleksyon.
Ipinaliwanag naman ng PAGASA na karaniwang nararanasan ang thunderstorm tuwing gabi dahil ito ang oras kung saan ang ulap ay bumibigat at nagiging thunderstorm clouds.
Samantala, batay sa monthly rainfall forecast ng pagasa ngayong buwan ng Mayo, nasa 21 probinsya ang posibleng makaranas ng mababa sa normal na buhos ng ulan habang 62 lalawigan naman ang babalik na sa normal ang mga pag-ulan.
19 na lugar sa bansa nakapagtala ng delikadong antas ng heat index kahapon
19 na lugar ang nakapagtala ng mapanganib na antas ng heat index kahapon.
Sa datos ng PAGASA, naitala ang pinakamataas na heat index sa Guiuan, Eastern Samar na nasa 49.6 degrees Celsius.
Mataas din ang heat index na nasa pagitan ng 41 hanggang 47.3 degrees Celsius ang Ambulong, Batangas, Baler, Aurora, Borangan, Eastern Samar, Casiguran sa Aurora, Cuyo, Palawan, Daet, Camarines Norte, Dagupan City Sa Pangasinan, Dipolog sa Zamboanga del Norte, Iba, Zambales, Legazpi City sa Albay, Masbate City sa Masbate, Roxas City, Capiz, NAIA sa Pasay City, San Jose City, Occidental Mindoro, Sangley Point sa Cavite, Surigao City sa Surigao del Norte, Virac, Catanduanes at Zamboanga City sa Zamboanga del Sur.
Ang heat index ay ang init na nararamdaman ng katawan ng tao na kadalasang mas mataas sa air temperature.
Maituturing namang mapanganib kung aabot ang heat index mula 41 hanggang 54 degrees Celsius.