Magsisimula na ang rehabilitation project ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ngayong araw, Mayo 1.
Kasunod ito ng opisyal na paglilipat ng kabuuang maintenance at rehabilitasyon ng MRT sa Sumitomo Mitsubishi Heavy Industries mula MRT-3 maintenance transition team kahapon.
Pinangunahan ni Transportation Undersecretary for Railways Timothy Batan ang ceremonial turnover of documents kasama ang mga opisyal at kinatawan ng MRT-3, Japan International Cooperation Agency (JICA), Sumitomo – Mitsubishi Heavy Industries at Tes Philippines, Inc.
Ayon sa MRT-DOTr, kanilang inaasahang matatapos ang rehabilitasyon sa loob ng unang 26 na buwan ng kabuuang 43 buwang kontrata kung saan target nilang madagdagan ang mga tumatakbong tren at mapabilis ang operating speed nito.
Kabilang sa mga isasailalim sa pagsasaayos at maintenance ang electromechanical components ng MRT, power supply system, rail tracks, depot equipment, elevators, escalators at mga tren.