Tiniyak ng Department of Transportation o DOTR na kakayanin ng pamahalaan na hawakan ang maintenance ng MRT-Line 3.
Kasunod ito ng tuluyang pag-terminate ng DOTr sa maintenance contract ng BURI o Busan Universal Rail Incorporated sa MRT Line 3.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Rails Cesar Chavez bagama’t aminado silang hindi naman magiging perpekto ang operasyon ng MRT-3 pero nakahanda naman silang tanggapin ang hamon.
Patuloy pa rin aniya ang kanilang pagsusuri sa mga kumpanyang nagpapahayag ng interes para hawakan ang pagmanteni ng MRT tulad ng Singapore MRT, Sumitomo Corporation ng Japan at RATP Development ng France na service provider ng LRT 1.
“Nais kong humingi ng paumanhin sa mga kasamahan natin sa media sapagkat umiwas talaga akong magpa-interview sa lahat dahil nung nagdesisyon ang DOTr internally na i-terminate na, ang trabaho ko is ma-impose ang transition na walang resistance mula sa mga empleyado, kaya pinakiramdaman natin, kinausap natin ang mga empleyado, kahapon nung nag-take over kami immediately yung mga empleyado pumirma ng kontrata sa atin, so nagpapasalamat tayo sa lahat ng empleyado.” Pahayag ni Chavez
Binigyang diin ni Chavez na hindi sila nangangakong kaagad maaayos ang operasyon ng MRT subalit humihingi sila ng sapat na panahon para maplantsa ang mga dapat ayusin.
“Ito’y full responsibility na ng gobyerno but never expect accountability, ibig sabihin nito wala kaming instant na maaayos ito lahat agad pero ang gagawin namin habang nagsisikap kami maliwanag sa amin ang pananagutan na maging matapat sa mga mananakay kung ilan lang ang kayang patakbuhing tren ngayon, maliwanag ang aming pananagutan na hindi naming ipipilit ang mga tren na hindi reliable iakyat, ang nangyari kasi may kontrata yung gobyerno sa BURI na dapat 20 trains ang pinatatakbo during the hours at kung hindi mapatakbo ay may penalty sila.” Pahayag ni Chavez
MRT
Samantala, nag-abiso na ang pamunuan ng MRT-3 na asahan ngayong araw ang mahabang pila sa mga istasyon ng tren lalo na sa peak hours.
Ayon kay Chavez sa 20 tren ng MRT, 14 lamang ang maaaring patakbuhin sa mga riles ngayon.
Sumasalilalim kasi aniya sa inspeksyon, preventive maintenance, dynamic test at repair ang 18 bagon ng MRT.
Ayon kay Chavez, kaya dumami ang sira ng mga tren ay dahil kulang ng oras sa preventive maintenance at walang reliable spare parts.
Kahapon tuluyan nang tinuldukan ng DOTr ang kontrata nila sa BURI o Busan Universal Rail Incorporated na siyang maintenance provider ng MRT sa loob ng 17 taon.
(Balitang Todong Lakas Interview/ with report from Jonathan Andal)