Isinagawa ngayong araw, November 14 ang ‘major exercise’ na pinagunahan ng lahat ng may kinalaman sa paghahanda para sa APEC Summit.
Nagsimula ang full-scale security simulation exercise kaninang alas-7:00 ng umaga.
Sa nasabing pagsasanay, ayon kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez, tutukuyin kung mayroon pang mga kinakailangang baguhin, dagdagan o bawasan sa preparasyon sa nasabing summit.
Kasama sa pagsasanay ang convoy runs at crowd control.
Muling iginiit ng PNP Chief na walang namomonitor na security threat ang intelligence community, maliban na lamang sa mga planong mass protest ng ilang militanteng grupo.
Kaugnay nito, hiningi muli ng PNP ang kooperasyon ng publiko kaugnay sa isinasagawang full scale simulation exercise ng task force APEC 2015 ngayong araw na ito.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor na nagsimula na kaninang alas-7:00 ng umaga ang 15 hanggang 30 minutong stop and go situation sa kalsada na dadaanan ng convoy ng APEC leaders.
Sinimulan ang simulation exercise sa NAIA dadaan ng Skyway, EDSA sa bahagi ng Ayala, Buendia, Roxas Boulevard, Manila Hotel, PICC hanggang sa Mall of Asia.
Traffic management dry run
Samantala, magsasagawa ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ng dry run patungkol sa traffic management na kanilang ipatutupad sa APEC Summit.
Dahil dito, sinabi ni MMDA Chairman Emerson Carlos na asahan na ang mabigat na daloy ng trapiko sa ilang main thoroughfare tulad ng EDSA dahil sa isasagawang dry run.
Pinaalalahanan din ni Carlos ang mga motorista na sarado ang ilang kalsada tulad ng Roxas Boulevard mula Manila Hotel hanggang Ninoy Aquino International Airport Road.
Maging ang buong stretch ng service road ng Roxas Blvd. mula T.M. Kalaw hanggang P. Ocampo at Vito cruz ay isasara rin.
Kasabay nito, humingi ng kooperasyon at pang-unawa sa publiko ang Chairman ng MMDA dahil sa ikakasang dry run.
By Meann Tanbio | Judith Larino