Itinanggi ng Malacañang na magkakaroon ng malawakang balasahan sa gabinete ni Pangulong Noynoy Aquino bago ang kanyang huling State of the Nation Address sa Hulyo.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, walang basehan at katotohanan ang mga lumulutang na ulat na magpapatupad ng pagbabago sa gabinete ang Pangulo.
Kumalat sa mga text message na magpapatupad umano ng major revamp ang palasyo upang walisin ang mga tiwaling opisyal sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kabilang ang mga nasa ilalim ng Office of the President.
Tinawag ni Coloma na tsismis at pawang ispekulasyon ang ikinakalat sa text dahil wala namang nababanggit at hindi naman napag-uusapan ang balasahan sa gabinete.
Una ng napaulat na kakandidato sa 2016 elections ang ilang cabinet member ni Pangulong Aquino kaya’t inaasahang magbibitiw sa puwesto ang mga ito sa sandaling magsumite ng certificate of candidacy.
By Drew Nacino | Aileen Taliping (Patrol 23)