Pupulungin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga miyembro ng Majority Bloc ng senado sa Hulyo 17.
Ilang araw ito bago mag-lapse ang deklarasyon ng martial law sa Mindanao.
Ayon kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel, kabilang sa pag-uusapan sa nasabing pagpupulong ang BBL o Bangsamoro Basic Law at ang buong agenda ng administrasyong Duterte.
Idinagdag pa ni Pimentel na posible ring matalakay ang usapin sa pagpapalawig ng batas militar.
Pagpapanatili ng martial law hanggang 2022 opinyon lamang ni Alvarez
Nilinaw ng Malakanyang na sariling opinyon ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pahayag nito ng pagpapanatili ng martial law hanggang 2022.
Iginiit ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na nasa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig ng batas militar, base na rin sa magiging pagtaya at magiging rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang stake holders.
Sa ngayon, ayon kay Abella, patuloy na gumugulong ang assessment ng mga kinauukulang security officers ng administrasyon upang madetermina kung magkakaroon ba ng extension o sapat na ang animnapung (60) araw na martial law sa Mindanao.
Una nang sinabi ni Alvarez na kung makukumbinsi niya lang ang kanyang mga kasamahan sa Kamara na ipatupad ang batas militar sa susunod na limang (5) taon ay kanya itong gagawin.
Security briefing ng Malakanyang
Nakadepende sa ibibigay na security briefing ng Malakanyang ang agarang pag-apruba ng mga mambabatas sa inaasahang pag-hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.
Ito ay ayon kay Senator Panfilo Lacson, bagama’t aniya malaki ang tiyansa na maaprubahan ito dahil mayorya ng mga mambabatas ay kaalyado ng Pangulo.
Giit naman ni Senator JV Ejercito na kailangan ang security briefing para malaman nila ang kasalukuyang sitwasyon sa Marawi City.
Dagdag ni Ejercito, makatutulong para madaling makumbinsi ang mga mambabatas ang kawalan ng kaso ng paglabag sa karapatang pantao o pang-aabuso sa ilalim ng umiiral na martial law sa Mindano.
Unang nang sinabi ni Pangulong Duterte na wala siyang planong tanggalin ang batas militar sa Mindanao bago ang kanyang SONA o State of the Nation Address sa Hulyo 24.
By Meann Tanbio / Krista De Dios | With Report from Cely Ortega – Bueno