Naniniwala ang karamihan sa mga Pilipino na nasa tamang direksyon ang Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay batay sa “Tugon ng Masa” survey na isinagawa ng OCTA Research mula December 10 to 14, 2023 at inilabas nitong February 14.
Sa naturang non-commissioned survey para sa fourth quarter ng 2023, 64% ng adult Filipinos ang kumpiyansa sa mga aksyon, polisiya, at programang ipinatupad ng administrasyon ni Pangulong Marcos para sa bansa.
Makikitang mas mataas ito ng 2% kumpara sa naitalang 62% noong October 2023 sa kaparehong survey.
Ayon sa ulat ng OCTA, matatagpuan sa Metro Manila ang pinakamaraming Pilipinong may positibong pananaw sa direksyon ng bansa sa 81%. Pinakamababa naman sa Luzon sa 57%.
Lumabas din sa survey na mas maraming Pilipino sa age groups na 75 years old pataas (77%) at 25 hanggang 34 years old (75%) ang naniniwalang papunta sa tamang landas ang Pilipinas. Negatibo naman ang pananaw ng mga mas nakababatang Pilipino, partikular na mula sa age group na 18 to 24 years old (32%).
Isinagawa ang Tugon ng Masa survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult Filipino respondents sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos, “encouraging” ang malamang maraming Pilipino ang naniniwalang nasa tamang direksyon ang Pilipinas sa ilalim ng kanyang administrasyon. Aniya, naipakita ng datos na ito na nararamdaman na ng mga tao ang presensya ng pamahalaan sa bawat antas ng lipunan. At para sa Pangulo, ito ang mahalaga.