Nais paimbestigahan ng Makabayan Bloc ang umano’y pagtangkilik ng gobyerno sa mga imported na personal protective equipment (PPE) sa halip na gawang lokal.
Batay sa inihaing house resolution 1735 ng mga progresibong mambabatas, hinihimok nito ang house committee on trade and industry na silipin ang sinasabing pagbili ng gobyerno ng PPE mula sa China.
Iginiit ng mga ito na hindi kayang makipagsabayan ng local manufacturer sa foreign PPE manufacturer kung saan napakadami at napakamurang ibinebenta ng mga ito dito sa bansa kahit pa substandard na ang ilan dito.
Nakasaad din sa inihaing resolusyon ang pagkakatanggal ng nasa mahigit 25,000 manggagawa ng local garment industry mula Hunyo hanggang Disyembre 2020 dahil sa pagbagsak ng ekonomiya.