Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara ang kontrobersyal na white sand project ng DENR.
Isinulong ng Makabayan bloc ang House Resolution 1194 na naglalayong masilip ng Kamara ang suitability at sustainability ng manila bay rehabilitation program partikular na sa pagbubuhos ng crushed dolomite boulders sa baybayin.
Nakasaad din sa resolusyon ang pagtutol ng pambansang lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, Kalikasan Peoples Network for the Environment, Oceana at Greenpeace sa proyekto dahil sa sinasabing impact nito sa kalusugan at kapaligiran gayundin ang hindi nararapat na paggamit sa pondo.
Maging ang ilang miyembro ng Academe ay nagpahayag na maaaring maghain ng writ of kalikasan sa Korte Suprema ang mga kritiko para mapatigil ang proyekto.
Una nang idinipensa ni DENR Secretary Roy Cimatu sa pagdinig ng panukalang 2021 budget ng ahensya sa kamara na hindi delikado sa kapaligiran at kalusugan ng publiko ang dolomite sand sa Manila Bay.