Pag-aaralan ng Makabayan National Executive Committee kung ipagpapatuloy pa ang kanilang pakikipag-alyansa sa majority coalition sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa kanilang nakatakdang emergency meeting sa susunod na linggo.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate, wala nang maaasahan ang Makabayan Bloc mula sa administrasyong Duterte kasunod ng pagkakabasura sa appointment nina Rafael Mariano bilang kalihim ng Agrarian Reform at Judy Taguiwalo sa DSWD o Department of Social Welfare and Development.
Una nang sinabi ni ACT Teacher Partylist Representative Antonio Tinio, isa sa miyembro ng Makabayan Bloc na kanila nang pinutol ang pakikipag-alyansa kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa magkasalungat na mga pananaw sa ilang usapin.
Ang ilan pa sa miyembro ng Makabayan Bloc ay sina ACT Teachers Partylist Representative France Castro, Gabriela Women’s Party Representative Emmi de Jesus at Arlene Brosas, Anakpawis Representative Ariel Casilao at Kabataan Partylist Representative Sarah Elago.
AR / DWIZ 882