Kinuwestyon ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate ang approval sa committee level ng inihaing draft ng federal constitution ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at 21 iba pang kongresista.
Ayon kay Zarate, mabilis at kahina-hinala ang paglusot sa House committee on constitutional amendments ng naturang draft noong Oktubre 2 habang abala sa 2019 budget deliberations.
Inaprubahan aniya sa nabanggit na komite ang panukalang batas nang hindi alam ng ibang kongresista maging ng media dahil hindi ito kabilang sa schedule ng committee hearings sa Kamara.
Ibinabala naman ni Zarate na peligroso ang draft charter ni Arroyo dahil sa oras na aprubahan sa Kongreso ay magreresulta ito sa pagpapaliban ng 2019 elections at sa halip ay itatakda sa taong 2022.