Ipinagbunyi ng tinaguriang ‘Makabayan 4′ ang pagbasura ng korte sa double murder case laban sa kanila.
Sabay-sabay na dumating at sumalang sa press conference sa Quezon City Sports Club sina National Anti-Poverty Commission Secretary Liza Maza at dating Congressmen Satur Ocampo, Paeng Mariano at Teddy Casiño.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na lumabas sa publiko ang mga dating mambabatas matapos magtago ng mahigit dalawang linggo kasunod nang inilabas na arrest warrant laban sa kanila ni Pasay City RTC Presiding Judge Evelyn Turla noong July 11.
Sinabi ni Ocampo na napatunayang wala silang bahid ng pagtataksil sa bayan at wala siyang ginawang krimen.
Ang nangyari aniya sa kanila ay bahagi lamang ng mas pina igting na pagkilos ng estado laban sa mga aktibista at kritiko ng gobyerno.
Naniniwala ang grupo na si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang nasa likod ng anila’y gawa gawang mga kaso laban sa kanila.