Tiwala si Bayan Muna Party-list Representative Ferdinand Gaite na hindi bibigay sa pressure si House Speaker Lord Allan Velasco mula sa mga panawagan imbestigahan ng kamara ang Makabayan bloc sa umanoy kaugnayan nito sa CPP-NPA-NDF.
Sinabi ni Gaite na tiwala silang mananatili ang good judgment ni Velasco sa isyu ng red tagging laban sa anim na miyembro ng Makabayan bloc mula sa Gabriela Party-list, Kabataan Party-list, Act Teachers Party-list at Bayan Muna.
Binigyang diin ni Gaite na sa isinagawang senate hearing sa isyu ng red tagging, bigo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NRF ELCAC) na magharap ng ebidensyang magpapatunay na kaalyado sila ng CPP-NPA at tiyak na ganito rin ang kahihinatnan sakaling magkaroon ng house inquiry.
Clearly there is pressure on the House to join the communist witch hunt of the NTF-ELCAC, but we believe Speaker Velasco will remain judicious and will not allow the House to be used as venue for peddling baseless accusations against its members,” ani Gaite.
Iginiit naman ni Kabataan Party-list Representative Sarah Elago na walang batayan ang panawagang house inquiry dahil pawang gawa-gawa lamang ang alegasyon laban sa kanila ng NTF ELCAC na ang tunay na pakay ay matanggal sila bilang miyembro ng kongreso.
Iginiit naman ng League of Parents of the Philippines na hindi dapat makinig sa kanyang mga kapwa mambabatas si Velasco kundi sa maraming tinig na nagsasabing mas marami pang kabataan ang marerecruit sa komunismong pakikibaka kung mananatili sa kamara ang Makabayan bloc.