Maaari pa ring makaboto sa 2022 national at local elections ang mga senior citizen at persons with disabilities na mayroong deactivated voter registration.
Ayon kay Comelec commissioner Rowena Guanzon, pumayag ang En Banc na payagan ang reactivation ng registration status ng mga PWD at senior citizen na hindi nakaboto sa dalawang magkasunod na halalan.
Sa ilalim ng Section 27 ng Republic Act 8189 o voter’s registration act of 1996, i-de-deactivate ng election registration board ang registration at aalisin ang records ng sinumang hindi nakaboto sa magkasunod na regular polls.
Magugunitang sinuspinde ng poll body ang voter registration sa National Capital Region at iba pang lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine at modified ECQ.
Hanggang noong Hunyo 22, umabot na sa 60 million voters ang nagparehistro habang matatapos ang voter registration sa Setyembre 30, 2021.—sa panulat ni Drew Nacino