Tiniyak ng gobyerno na sasagutin nito ang pagpapagamot ng mga indibidwal na makararanas ng adverse effect sa ibibigay sa kanilang bakuna kontra COVID-19.
Sa Laging Handa briefing, inihayag ni Health Usec Ma. Rosario Vergeire na may binuo nang komite para i-monitor ang mga posibleng side effect ng COVID-19 vaccines.
Pahayag ng health official, binubuo ang national adverse effect following immunization committee ng mga eksperto mula sa iba’t-ibang ahensya na ang tungkulin ay suriin ang epekto ng vaccine na ituturok sa isang indibidwal.
May nakalatag narin aniyang hakbang upang mabigyan ng kaukulang tulong at suporta ang mga kababayan nating maaring makaranas ng hindi magandang epekto ng bakuna.
Tiniyak naman ni Vergeire sa taumbayan na tanging mga COVID-19 vaccine lamang na may emergency use authorization (EUA) approval mula sa FDA ang makapapasok sa bansa at pahihintulutang magamit ng mga Pilipino.