Muling isinagawa ang makasaysayang ‘salubungan’ na bahagi ng paggunita ng ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong araw.
Pinangunahan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ang may nasa 2,000 na miyembro ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na nagsalubong at nagyakapan kasama ang grupo ng mga sibilyan sa harap mismo ng People Power Monument ngayong umaga.
Karamihan sa mga nakiisa sa ‘salubungan’ ay ang mga estudyanteng hindi pa ipinapanganak kung kailan nangyari ang tinaguriang mapayapang rebolusyon.
Isang malaking grupo ng mga estudyante ang nagtipun-tipon sa isa sa itinakdang lugar ng ‘salubungan’ sa kahabaan ng EDSA kung saan naka-puwesto ang isang tangkeng pinalibutan ng yellow ribbon.
Nagmartsa mula sa MRT Station sa EDSA Santolan ang grupo ng mga militar at ang isang grupo ay mula naman sa EDSA Shrine bago nagtagpo sa People Power Monument.
Isang grupo rin ng mga madre ang nakita sa salubungan point.
Dahil dito, mahigpit ang ipinatupad na seguridad sa EDSA Shrine at maging sa People Power Monument sa kanto ng EDSA at White Plains Avenue.
Ginawa din ang simbolikong pagtalon ni FVR na sinamahan ni Bobby Aquino na nangangahulugan nang tuluyang pagiging malaya ng Pilipinas sa kamay ng mga diktador.
Napuno naman ng emosyon ang pagdiriwang sa handog na mga kanta ng ilang mang-aawit kabilang na sina Ryan Cayabyab, Noel Cabangon, Ogie Alcasid kabahagi ang Ryan Cayabyab singers, at mga miyembro ng choir.
Ibinida din ang mga bagong air assets ng Sandatahang Lakas na nagsagawa ng flyby at nag-iwan ng iba’t ibang kulay sa kalangitan.
Details from Jonathan Andal