Maglalagay naman ng public assistance stations ang lokal na pamahalaan ng Makati sa Manila South Cemetery na isa sa mga pinakamalaking himlayan sa Metro Manila.
Ayon sa Makati City administrators office, pupuwesto ang kanilang mga tauhan mula sa Makati action center, health department at city risk reduction and management office sa nasabing sementeryo bukod pa sa mga tauhan ng Manila City government na siyang namamahala sa nasabing lugar.
Magpapahiram ang lokal na pamahalaan ng Makati ng mga wheelchair para sa mga nakatatanda at magbibigay din sila ng libreng blood pressure monitoring at medical emergency response sakaling kailanganin.
Magdodoble higpit naman sa pagbabantay ang Makati City police sa paligid ng sementeryo para matiyak ang kaligtasan ng mga papasok duon upang bisitahin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Kasunod nito, mahigpit na pinaalalahanan ng Makati PNP ang mga pupunta sa sementeryo na bawal ang pagdadala ng matatalas na bagay, mga armas, flammable materials, alak, malalakas na speakers o amplifiers gayundin ang baraha.
By: Jaymark Dagala / Allan Francisco