Naglabas ng bagong guidelines ang lokal na pamahalaan ng Makati ukol sa dine-in services na ipapatupad sa tuwing isasailalim sa state of calamity, public health emergency o katulad na emergency declarations ang lungsod.
Ayon kay Mayor Abby Binay, sisimulang ipatupad sa August 31, 2020 ang City Ordinance No. 2020-165 na ipinasa ng Sangguniang Panlungsod noong Miyerkules kaugnay ng layuning maagap na pigilan ang pagkalat ng mga nakakahawang sakit, pandemya, epidemya, at iba pang uri ng outbreak.
Inatasan naman ang mga may-ari ng mga food business na may dine-in services na mahigpit na sumunod sa mga itinakdang alituntunin ng ordinansa.
Ipinaliwanag ni Binay na bagama’t nauunawaan ng pamahalaang lungsod na kailangan nilang kumita upang malagpasan ang krisis, mangingibabaw pa rin ang kahalagahan ng kalusugan at kaligtasan ng kustomer.