Ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ng Makati ang pagpapasara sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na nadiskubre ng mga otoridad sa isang residential condominium sa nasabing lungsod.
Ipinaskil ng mga tauhan ng business permits and licensing office ang kautusan sa labas ng unit kung saan isinasagawa ang operasyon ng Hua Xin POGO sa ikalimang palapag ng isang gusali sa J. Victor Street, Brgy. Pio Del Pilar.
Anila, walang business permit o mayor’s permit ang naturang operasyon ng POGO, bukod pa rito ay nilalabag din umano ng mga ito ang quarantine protocols.
Nagsimulang manmanan ng mga otoridad ang nasabing unit matapos makatanggap ng mga reklamo sa kanilang mga kapitbahay kung saan marami umanong dayuhan ang nagtutungo sa naturang unit para maka-access sa mga online gambling sites.