Muling dumepensa ang lokal na pamahalaan ng Makati City sa ginawa nitong pagpapasara sa Berjaya Hotel bunsod ng paglabag sa health & safety protocols.
Ayon kay City Legal Officer Atty. Don Camiña, bago nila isinilbi ang closure order ay pinayuhan nila ang management ng Berjaya na makipag-ugnayan sa Bureau of Quarantine (BOQ) para mailipat na sa ibang pasilidad ang mga natitira pang guests ng hotel.
Giit ni Camiña hindi dapat inililihis ng Berjaya ang usapin dahil malinaw naman aniya na nagkaroon ng lapses o kapabayaan sa panig ng hotel at nalagay din sa alanganin ang kaligtasan ng komunidad.
Maliban dito, binigyang diin ng abogado na mismong ang pamunuan na rin ng Berjaya Hotel ang umamin na nagkaroon ito ng paglabag kaya’t hindi aniya nito dapat pinalalabas na sila ang biktima.
Matatandaang ipinasara ng Makati LGU ang Berjaya matapos suspendihin ng Department of Tourism (DOT) ang accreditation nito habang pinagbabayad din ito ng mahigit labintatlong libong piso bilang multa nang makalabas sa kanilang establisimyento si Gwyneth Chua sa halip na naka-quarantine. —sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)