Nilisan na ni Makati City Mayor Junjun Binay ang Makati City Hall kaninang umaga.
Sa pagharap nito sa kanyang mga taga-suporta, sinabi ni Binay na nais niya nang tuldukan ang kaguluhan at karahasang nagaganap sa lungsod matapos siyang suspendihin ng Ombudsman dahil sa umano’y maanomalyang pagpapatayo ng Makati Science High School.
Sa kabila nito, tiniyak ni Binay na hindi pa tapos ang laban.
Sinabi ni Binay na kanila pang hinihintay ang desisyon ng Court of Appeals (CA) ukol sa hiling ng kanilang kampo na ipawalang bisa ang suspension order ng Ombudsman.
Binanatan naman ni Binay ang mga kalaban sa pulitika ng kanilang pamilya.
Ayon kay Binay, hindi dapat tularan ang mga kalaban nila sa pulitika na binabali ang batas at ginagamit ang buong puwersa ng batas upang sila aniya ay gipitin.
TRO, bigong makuha
Hindi nakakuha ng Temporary Restraining Order (TRO), mula sa Appelate Court si Makati Mayor Junjun Binay.
Sa resolusyon na inilabas ng Court of Appeals, binigyan nito ng 10 araw ang Ombudsman na magsumite ng komento sa inihain na petisyon ni Binay.
Pagkatapos nito ay mayroon namang 5 araw si Binay, para sumagot sa isinumiteng tugon ng Ombudsman.
Kaninang umaga ay nagpasya si Binay na lisanin muna ang City Hall, habang wala pang pinal na desisyon ang Court of Appeals.
Sama-sama
Una nang nagpalipas ng magdamag sa Makati City Hall ang mag-amang Vice President Jejomar at Makati City Mayor Junjun Binay.
Ang mag-amang Binay ay sinamahan ng kanilang malalapit na kaanak bilang suporta partikular kay Mayor Junjun na nahaharap sa panibagong suspensyon dahil sa umano’y maanomalyang pagpapatayo ng Makati Science High School.
Samantala, naging matahimik din ang pagpapalipas ng magdamag sa paligid ng Makati City Hall ng supporters ng mga Binay.
By Ralph Obina | Kevyn Reyes | Judith Larino | Katrina Valle | Aya Yupangco