Binigo ng Makati City Regional Trial Court Branch 148 ang hirit ng DOJ o Department of Justice kaugnay sa kasong kudeta ni Senador Antonio Trillanes IV.
Ito ay matapos na tumanggi ang nabanggit na korte na magpalabas ng warrant of arrest at hold departure order laban kay Trillanes.
Batay sa inilabas na resolution ni Judge Andres Soriano, wala siyang nakikitang dahilan para muling buksan ang kasong final at executory na aniya ang desisyon dito.
Dagdag ni Soriano, malinaw ding nakapagsumite ng aplikasyon para sa amnestiya si Trillanes kahit pa walang mailabas na kopya nito.
Nagkaroon din aniya ng admission of guilt si Trillanes sa mga akusasyon laban sa kanya na nakapaloob naman sa kanyang application.
Gayunman, nakasaad din sa desisyon ni Soriano na kinikilala nito ang legalidad ng Proclamation 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumabawi sa ibinigay na amnestiya kay Trillanes kaugnay sa kasong kudeta.
Ang desisyon ng Makati City RTC Branch 148 ay kabaliktaran sa naunang resolusyon ng Branch 150 noong Setyembre 25 na nag-utos ng pagpapaaresto kay Trillanes kaugnay ng kasong rebelyon bagama’t agad na nakapagpiyansa ang senador.
—-