Sinegundahan ni dating Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ang posisyon ng Taguig City na hindi kailangan ng writ of execution para ipatupad ang takeover ng lokal na pamahalaan sa EMBO barangays sa basehang hindi ejectment case ang kaso at malinaw ang desisyon ng Korte Suprema na ito ang dapat na gawin ni Makati City Mayor Abby Binay.
Sa kanyang vlog post na Luminous, hinimay ni Angeles ang usapin ng turf war sa pagitan ng dalawang lungsod kung saan ipinaliwanag ni Angeles, isang abogado, na kung titignan ang 53-pahinang desisyon ng Supreme Court sa kaso ay walang basehan ang argumento ni Binay na dapat magkaroon muna ng transition period.
Aniya, “stop exercising jurisdiction” ang malinaw na utos ng hukuman kaya turnover ng hurisdiksyon ang dapat na gawin ng alkalde.
Itinuturing din ni Angeles na walang legal basis ang nakuhang opinyon ng Makati LGU mula sa Office of Court Administrator (OCA) na nagsasabing kailangan muna ng writ of execution.
“Opinyon lang ang inilabas ng OCA, ang pinanghahawakan ng Taguig ay malinaw na desisyon ng Supreme Court,” pahayag ni Angeles.
Iginiit niya na ang writ of execution ay sa ejectment case, halimbawa, mayroong umuupa sa pag-aaring property ng isang indibidwal na gustong paalisin ng may-ari dahil kahit mayroon nang desisyon at nanalo sa hukuman kailangan pa rin ng writ of execution para mapaalis ang nakatira dito.
Ipinaliwanag ni Angeles na “stop exercising jurisdiction” agad ang desisyon ng SC sa territorial dispute dahil sa umpisa pa lamang ng kaso ay mayroon nang ipinalabas na Temporary Restraining Order (TRO) ang Pasig City Regional Trial Court.
Matatandaang sa July 8, 2011 decision ni RTC Pasig City Branch 153 President Judge Briccio Ygaña pinaboran nito ang Taguig sa inihaing kasong sibil laban sa Makati.
Nakasaad sa desisyon na permante ang ipinalabas na writ of preliminary injunction na ipinalabas noong 1994 at nakasaad dito na “Enjoining defendant Municipality, now City of Makati, from exercising jurisdiction over, making improvements on, or otherwise treating as part of its territory, Parcels 3 and 4, Psu-2031 comprising Fort Bonifacio.”
Paliwanag ni Angeles, noong 1994 pa ay dapat hindi na nag-exercise ng jurisdiction ang Makati sa Embo Barangays dahil mayroon nang TRO sa umpisa pa lamang ng litigation ng kaso. Kaya naman, sa naging desisyon ng SC noong 2022, ang kautusan nito ay turnover ng jurisdiction matapos manalo rito ang Taguig.
“Dahil nga may TRO, ang utos ng korte sa Makati ay huwag n’yong pakialamanan ang area habang may litigation. Sa umpisa pa lang ay nasa default na ang Taguig dahil kung tutuusin ay mayroon silang jurisdiction din sa EMBO Barangay[s] umpisa pa lang. May upper hand ang Taguig dahil una, panalo sila sa kaso, pangalawa ang simple ng SC ruling, everything has to be turnover to Taguig,” ani Angeles.
Ani Angeles, kung may kuwestiyon ang Makati ukol naman sa mga gusali na kanilang pagmamay-ari gaya ng school buildings, ospital at iba ay maaari itong dumulog sa SC sa pamamagitan ng isang clarificatory petition subalit pagdating sa kung sino ang nagmamay-ari ng teritoryo ay malinaw na ito ay saTaguig.
“Sa mga property maaari siguro na may compensation subalit ang Makati ang syang dapat na makipag-ugnayan sa Taguig para sa arrangement. Gaya ng Ospital ng Makati at University of Makati, maaaring ang Makati ang syang magbabayad ng upa dahil nakatirik ang gusali sa lupa na pagmamay ari ng Taguig,” sabi ni Angeles
Nang hingan ng reaksyon si Angeles na pride na lang sa panig ni Mayor Binay kaya nagkakaroon ng delay sa turnover, sinabi ng dating kalihim na mas mainam na iturnover na ng alkalde ang EMBO Barangays habang magkaroon ng arrangement kay Mayor Lani Cayetano para sa mga ari-arian.