Sang-ayon ang ilang residente ng Makati City na mailipat ang kanilang address at maging Taguigeño bilang pagrespeto sa pinal na desisyon ng Korte Suprema.
Ang mataas na hukuman ang nagtatakda na ang lokal na pamahalaan ng Taguig ang siyang may territorial jurisdiction sa 729 hektaryang Fort Bonifacio Military Reservation, kabilang ang Bonifacio Global City (BGC) at ang mga “embo barangays”.
Sa Boses ng Kalye Serye na isinagawa ng isang online media organization, natanong dito ang ilang Makatizens (Makati residents) kung ano ang sentimyemto nila na ililipat na ang kanilang address kasunod ng naging kautusan ng Supreme Court.
Ayon sa mga seniors na sina Josefina Pasual at Arlene Olivia, sa Makati na sila ipinanganak at doon na rin sila mamamatay dahil benepisyong nakukuha nila mula rito.
Subalit para sa tindero na si Michael Paredes, pabor ang kanyang pamilya na mailipat ng Taguig.
Sa tanong naman kung ang magandang benepisyo na nakukuha sa Makati ang dahilan ng iba kaya ayaw lumipat ng Taguig, inamin ni Paredes na hindi naman lahat ay nakakatanggap.
Pabor din ang negosyante na si Alicia Esguerra na ilipat sila sa Taguig dahil dapat aniyang igalang ang hatol ng high court.
Para sa driver na si Margarito Solis, mainam din na masubukan ang pamamahala ng Taguig kaya pabor ito na maging Taguigeño habang naguguluhan at ninenerbyos naman si Marian Turla dahil sa pagbabago gaya na lang sa ID, address at benepisyo.
Samantala, isa rin sa mga alalahanin ng estudyante na si Clarenz Acosta ng University of Makati (OsMak) sa paglilipat nila sa Taguig ay ang mga benepisyong natatanggap, kasama na rito ang yellow card.
Matatandaan na noong noong Abril 3 ay ipinalabas ng SC ang final and executory decision nito sa 30 taong boundary dispute sa pagitan ng dalawang LGUs matapos mas bigyang-bigat ng hukuman ang historical, documentary at testimonial evidence na iprinesenta ng Taguig.
Maliban dito, nagkaroon na rin ng Entry of Judgment sa kaso at base sa court rules, ang desisyon sa isang kaso na naipasok na sa SC-Book of Entries of Judgements ay hindi na maaaring i-apela o rebisahin.