Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na pansamantala munang gagamit ng makeshift classrooms ang mga mag-aaral na naapektuhan ng lindol sa Northern Luzon sa pagbabalik ng klase sa Agosto a-22.
Kasunod ito ng ikinasang pagpupulong ng House Committee on North Luzon growth quadrangle kung saan, ipinakita ni DepEd Assistant Secretary Francis Cesar Bringas ang mga eskwelahang nasira makaraang tumama ang magnitude 7 na lindol.
Ayon kay Bringas, nasa 704 na eskwelahan ang nasira ng lindol sa Region 1, Region 2, Region 3 at Cordillera Administrative Region (CAR).
Nilinaw ni Bringas na ang mga school room na walang sira, open gymanasium, makeshift tent at social hall ang gagamitin bilang temporary learning spaces o makeshift rooms ng mga mag-aaral.
Ipinaalala ni Bringas na sa gitna ng pagsasagawa ng full-day in-person classes, dapat ay nasusunod parin ang health protocols partikular na ang pagsuot ng facemask, pagdisinfect, paghuhugas ng kamay at social distancing para masiguro ang kaligtasan ng bawat isa.
Sa ngayon, humiling narin ang kagawaran ng dagdag na mga tents sa Unicef para magamit bilang temporary classroom.