Hinikayat ng Philippine National Police o PNP ang publiko na magmungkahi ng mga pamamaraan upang masawata ang deka-dekada nang problema ng bansa sa insurgency o mga pag-atake ng mga komunista.
Ito ang inihayag ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar kasunod na rin ng planong paglulunsad ng Regional Peace and Order Council ng Cordillera ng kanilang Dumanun Makituntong o mala-Oplan Tokhang na kampaniya laban sa mga aktibista o pinaniniwalaang konektado sa front organizations ng CPP-NPA.
Ayon kay Eleazar, handa silang magbigay ng anumang uri ng suporta sa pangangailangan ng naturang konseho basta’t hindi ito lalabag sa karapatang pantao ng kanilang mga pupuntahan para isailalim sa pagtatanong.
Dahil dito, inatasan na ng PNP Chief ang Cordillera Police Regional Office na makipag-ugnayan sa kanilang Regional Peace and Order Council para sa kaukulang hakbang hinggil dito.
Ang Dumanun Makituntong ay mula sa salitang ilokano na maihahalintulad sa Toktok Hangyo ng mga Bisaya na ang ibig sabihin ay kumatok at magbahay-bahay na paraan para isailalim sa kaukulang pagtatanong ang isang tao na pinaghihinalaang sangkot sa anumang iligal na aktibidad.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)