Sinita ni Senador Imee Marcos ang anya’y malabong labor advisories ng Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa estado ng mga empleyado na nailagay sa floating status.
Sa kanyang inihaing resolusyon sa senado, sinabi ni Marcos na dapat maglabas na ng bagong labor advisory ang DOLE kung saan binibigyan lamang ng 30 araw ang mga kumpanya para resolbahin ang estado ng kanilang floating employees.
Sinabi ni Marcos na masyado nang mahaba kung aabutin ng anim na buwan sa floating status ang isang empleyado at hindi sumahod sa panahon pa naman ng health at economic crisis.
Ipinahiwatig ni Marcos na maaring magamit ito ng mga employers para mapilitan na lamang magbitiw ang empleyado at makalusot sila sa pagbabayad ng separation pay.
Sa ngayon aniya ay wala nang dahilan para magpatupad pa ng floating status dahil nasa general community quarantine na ang karamihan ng mga lugar sa bansa kabilang ang metro manila kung saan halos lahat ng negosyo ay pinapayagan nang mag-operate.