Ipinagtanggol ng Malakanyang ang puna ni dating Pangulong Fidel Ramos na “junket” ang biyahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Russia dahil dala nito ang halos lahat ng kanyang miyembro ng gabinete at halos walang naiwang opisyal sa bansa.
Iginiit ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, na ang official visit ng Pangulo sa Moscow, Russia ay mahalaga at strategic move para lalo pang palawakin ang saklaw ng independent foreign policy ng gobyerno.
Dagdag pa ni Abella, ang pinakamainam na pamantayan sa naging biyahe ng Pangulo ay ang resulta at pakinabang na makukuha ng Pilipinas, bukod pa dito ang pagbuhos ng pamumuhunan at ang hindi matawarang suporta na ibinibigay ng mga Pilipino na indikasyong ginagawa nito ang tama para sa bansa.
Matatandaang pinuna ng mga kritiko ang maraming bilang ng delegasyon ng Pangulo sa kanyang biyahe sa Russia, kabilang na ang mga miyembro ng gabinete, mga assistant secretaries ng ilang tanggapan, mga asawa umano ng heneral , ilang mga dating supporters sa kampanya gaya ni Sandra Cam at mga artistang tulad nina Robin Padilla, Cesar Montano at iba pa.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping