Ipinakita na umano ni Vice President Jejomar Binay ang tunay nitong karakter bilang opisyal at tunay na pagkatao matapos tawaging “palpak at manhid” ang Aquino administration.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, kinikilala ng palasyo ang limang taong serbisyo ng Bise Presidente bilang miyembro ng gabinete.
Pero ang ipinagtataka lamang aniya ng palasyo ay bakit nanahimik si Binay sa loob ng limang taon at hindi kinaringgan at kinakitaan ng pagkuwestiyon sa mga polisiya ng administrasyon.
Dagdag ni Lacierda, mas pinili ng Pangalawang Pangulo na simulan ang kanyang presidential ambition sa pamamagitan ng maaanghang na banat sa administrasyon na maaari naman nilang pag-usapan ng Pangulo bilang cabinet member.
Sa kabila ng mga banat ni Binay sa administrasyon ay hindi pa rin sumagot ito sa mga bintang na katiwalian laban sa kanya at sa kanyang pamilya.
Nagsalita na
Binasag na nga ni Vice President Jejomar Binay ang kanyang katihimikan kaugnay sa pagbibitiw niya sa gabinete ni Pangulong Noynoy Aquino.
Sa kanyang talumpati sa Coconut Palace, sa Pasay City, binatikos ni Binay ang administrasyong Aquino at iginiit na hindi naman ramdam ng publiko ang ipinagyayabang na pag-unlad ng bansa.
Hindi rin pinalampas ng Pangalawang Pangulo ang mga nasa likod ng pambabatikos sa kanya maging sa kanyang pamilya.
Aminado si Binay na umabot na sa sukdulan ang kanyang pasensya kaya’t nagbitiw na siya sa gabinete ni Pangulong Noynoy Aquino.
Muling nanindigan ang Pangalawang Pangulo na hindi siya aatras sa 2016 Presidential elections sa kabila ng mga batikos sa kanyang buong pamilya.
By Drew Nacino | Aileen Taliping (Patrol 23) | Kevyn Reyes