Dumestansya ang Palasyo kaugnay sa banta ni House Speaker Pantaleon Alvarez na bibigyan ng “zero budget” ang mga local politicians na hindi susuporta sa isinusulong na Pederalismo ng pamahalaan.
Ayon sa taga-pagsalita ng Palasyo na si Sec. Harry Roque, hindi nanghihimasok si Pang. Rodrigo Duterte sa mga ginagawa ng Kongreso dahil nirerespeto nito ang pagiging independent body ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Paliwanag ni Roque, trabaho ng Kamara ang pagbibigay ng suhestyon sa kung ano ang dapat na maamyendahan sa saligang batas bilang isang Constituent Assembly.
Ngunit naniniwala si Roque na imposibleng mangyari ang banta ni Alvarez na walang matatanggap na pondo ang mga anti-Federalism Congressman dahil malinaw naman aniya na nakasaad sa ating saligang batas na otomatikong ipinagkakaloob sa mga Local Government Units ang kanilang Internal Revenue Allotment o IRA.