Ipinauubaya ng Malacañang sa Regional Wage Boards ang hirit na umento sa sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ito ay kasunod ng panawagan ng mga obrero na sana’y makatikim din ng dagdag sa sahod gaya ng ipinagkaloob ng pamahalaan sa mga pulis at sundalo.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque mayroong sistemang umiiral sa gobyerno kung saan ang nagtatakda ng pagbabago sa sahod ng mga nagta-trabaho sa mga pribadong kumpaniya ay ang Regional Wage Boards ng Department of Labor and Employment o DOLE.
Payo ni Roque sa mga manggagawa, mainam na maghain ng petisyon sa nasabing ahensya kung nais magkaroon ng umento sa sahod.
Magugunitang matagal nang isinusulong ng mga manggagawa sa pribadong sektor ang across the board wage increase ngunit bigo itong makalusot dahil sa maraming mambabatas ang may ari ng mga pribadong kumpaniya.
Kasalukuyang nasa P512 ang minimum wage na tinatanggap ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa metro manila at iba pang pangunahing lungsod sa bansa.
—-