Dumistansiya ang Malacañang sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, prerogative o karapatan ng sinumang miyembro ng house of representatives ang pag-eendorso nito.
Gayunman, binigyang diin ni Executive Secretary Bersamin na walang kinalaman dito ang Office of the President at malinaw na anya ito dahil sa naunang pahayag Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa usapin.
Matatandaang kinumpirma ni Pangulong Marcos, ang pakiusap niya sa kongreso na wag nang ituloy pa ang impeachment complaint laban kay VP Duterte dahil sa paniniwalang pagsasayang lamang ito ng panahon.
Para sa Presidente, hindi nito mapabubuti ang pamumuhay ng mga Pilipino at mas maigi na lamang na gamitin ang oras sa pagtugon sa pangangailangan ng maraming mga Pilipino. – Sa panulat ni Kat Gonzales