Hindi binabaliwala ng Malakanyang ang ulat na may niluluto umanong destabilization at assassination plots ang ilang sinasabing miyembro ng Liberal Party laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, araw-araw ay may mga natatanggap na banta laban sa Pangulo kaya’t hindi isinasaisantabi ang mga ganitong impormasyon.
Anuman anyang banta laban sa Pangulo ay sineseryoso ng pamahalaan at hindi hahayaang makalusot ang sinumang may masamang tangka laban sa punong ehekutibo.
Una ng ibinunyag ni dating Senatorial Candidate Greco Belgica na pinaplano umanong ipapatay ng Liberal Party si Pangulong Duterte.
Hinikayat naman ni Abella si Belgica na maglabas ng mga ebidensiyang magpapatunay sa kanyang alegasyon na itinuturing na “cause of concern”.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping
SMW: RPE