Hindi sasagutin ng pamahalaan ang mga Antigen COVID-19 Test kabilang na iyong mga gagamitin sa mga bahay habang nakabinbin ang rekomendasyon mula sa Food and Drug Administration.
Ito ang naging pahayag ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles kung sasagutin ng gobyerno ang antigen test kasunod ng pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Nograles, kailangan alamin at hintayin kung ano ang papayagan ba ng FDA ang paggamit ng home test kits.
Dagdag ni Nograles, tinatalakay na rin umano ito ng pamahalaan sa gitna na rin ng banta ng Omicron variant.
Aniya, kailangan din masiguro ng ating mga eksperto na ang gagamiting antigen test ay hindi nagpapakita ng flase negative o positive result.
Una nang sinabi ni Testing Czar Vince Dizon na mananatili ang bansa sa polisiya nito na risk-based COVID-19 testing dahil ang limitadong government resources ay kailangang gamitin ng mahusay.