Iminungkahi ng Department of Agriculture (DA) sa Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng task group na gagalugad sa lahat ng bodega ng mga negosyante ng bigas sa bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, layon nitong makita ang stock ng bigas ng mga negosyante at mapigilan ang rice hoarding upang palabasing kapos ang suplay ng bigas sa bansa.
Maliban sa artipisyal na shortage, magiging tugon rin anya ito ng pamahalaan sa hindi matigil na smuggling ng bigas sa bansa.
“Yan ang punto natin na at least sa first quarter kumita ng maganda ang ating mga magsasaka, kung halimbawa ang purpose ng ating pag-import is to establish our buffer stock eh di gawin na lang government to government para kontrolado natin kasi kapag hinayaan mo sa private sector yan idederetso sa bodega yan at puwedeng itago at nagke-create yan ng rice shortage scenario.” Ani Piñol
Muling nilinaw ni Piñol na hindi tutol ang Pangulong Duterte sa pag-angkat ng bigas.
Ang nais lamang anya nila ay huwag itaon ang pag-import ng bigas sa panahon ng anihan upang hindi masaktan ang kita ng mga lokal na magsasaka.
Sa kanyang memorandum sa Pangulong Duterte, hiniling ni Piñol na isama sa task group ang DTI o Department of Trade and Industry, BIR o Bureau of Internal Revenue, Philippine Statistics Authority , NBI o National Bureau of Investigation, Bureau of Customs at PNP o Philippine National Police.
“DTI para ma-establish natin ang economic sabotage, BIR para magbayad ng tamang buwis, PSA para ma-establish ang totoong rice stock situation natin sa bansa, NBI para ihanda ang mga dapat nating kinakailangan, Customs para malaman kung smuggled o hindi, kami naman para ma-establish namin kung gaano karaming bigas ang kailangan for this year kasi hanggang ngayon nangangapa tayo sa dilim kung gaano ba karami ang stocks natin sa Pilipinas.” Pahayag ni Piñol
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
Malacañang hinikayat na bumuo task force kontra rice hoarders was last modified: April 18th, 2017 by DWIZ 882