Walang plano si Pangulong Rodrigo Duterte na sikilin ang kalayaan sa pagpapahayag o freedom of expression.
Ito ang nilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos ang banta ng Pangulo na ipa-ki-kickout sa University of the Philippines ang mga estudyanteng mahilig lumahok sa mga rally.
Magugunitang nagbanta ang Punong Ehekutibo na ibibigay na lamang sa matatalinong anak ng mga katutubong lumad ang karapatang makapag-aral sa UP sa halip na sa mga estudyanteng mahilig mag-rally.
Ayon kay Roque, hindi naman ipinagbabawal ang malayang pananalita maging ang mga rally.
Ang hindi lamang anya gusto ni Pangulong Duterte ay mag-walkout ang mga mag-aaral sa kanilang klase dahil sayang kaban ng bayan na binabayad ng mga ordinaryong mamamayan para sa kanilang matrikula.
Gayunman, hindi nagpatinag ang mga estudyante lalo ang mga miyembro ng Kabataan Partylist at nagbanta ring maglulunsad ng mas malaking protesta na tinawag nilang “National Day of Walkout” sa Pebrero 23 laban sa drug war, deklarasyon ng martial law sa Mindanao, Tax Reform Law at jeepney phaseout.