Binanatan ng Malacañang si U.S. Senator Bernie Sanders kasunod ng naging pahayag nito sa mga umano’y kaso ng pang-aabuso sa kaparatang pantao ng pamahalaan ng Pilipinas.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, walang bago sa sinabi ni Sanders kung saan inuulit lamang aniya nito ang mga hindi pa napatutunayang pahayag ng mga kritiko ng pangulo at iniuulat ng ilang mga dayuhang media.
Sinabi ni Panelo, nakakahiya para sa isang senador na tulad ni Sanders ang pagbibigay ng mga impormasyon na hindi pa na-validate.
Sa tweet ni Sanders noong nakaraang biyernes, Nobyembre 15, ibinahagi nito ang isang report mula sa International Trade Union Confederation na may titulong ‘Philippines: Government Crackdown Targets Unions’.
Dito sinasabing responsable ang war on drugs ng administrasyong Duterte sa napaulat na 27,000 kaso ng ‘extra-judicial’ killings sa bansa simula 2016.