Malaki ang hinala ng Malacañang na mga narco-politician at drug lord ang nasa likod ng pananabotahe sa anti-drug campaign ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpatay sa mga menor de edad para magalit ang taumbayan sa gobyerno.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi na sila nagtaka kung magsabwatan ang mga makapangyarihang narco-politician at mga drug lord para sirain ang momentum sa kampanya kontra iligal na droga.
Marami anyang drug lord ang naapektuhan at nasagaaan sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte at malaking dagok rin ito sa kita ng mga narco-politician.
Sinabi ni Abella na gumagawa na ngayon ng scenario ang mga nanabotahe para sisihin ang pamahalaan at magalit ang publiko kasabay ng pagsira sa imahe ng Philippine National Police.
Magugunitang inihayag ni Pangulong Duterte ang nagsabi kay PNP chief, Dir. Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa na may nanabotahe sa pambansang pulisya kasunod ng pagkamatay nina Kian Loyd delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at ang katorse anyos na si Reynaldo de Guzman.