Dapat pa ring makipag-ugnayan pa rin ang pambansang pulisya sa PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency sakaling buhayin nito ang kanilang Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel na bahagi ng war on drugs.
Ito’y ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque kasunod na rin ng naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte nang ibalik nito ang PNP sa war on drugs subalit mananatili pa rin sa PDEA ang pagiging lead agency sa nasabing kampaniya.
Sinabi ni Roque na malinaw naman sa inilabas na kautusan ng Pangulo na magiging supporting agency lamang ang PNP gayundin ang AFP, NBI at iba pang mga ahensya ng pamahalaan na may kaugnayan sa law enforcement.
Magugunitang nagpasya ang Pangulo na ibalik ang PNP sa war on drugs dahil sa paniniwalang muli na namang tumaas ang antas ng krimen sa bansa kung saan, mga lango sa ipinagbabawal na gamot ang mga nasa likod nito.