Idineklara ng Malacañang ang Setyembre 13 bilang special non-working holiday sa Cordillera Administrative Region (CAR) para sa paggunita sa ika-36 taon ng matagumpay na peace talks sa pagitan ng pamahalaan at rebeldeng grupo.
Sa Proclamation 49 na nilagdaan ni Executive Secretary Vic Rodriguez, binanggit na dahil sa usapang pangkapayapaan na sinimulan ni dating Pangulong Cory Aquino ay natamo ang Cordillera autonomy.
Matatandaang pinamunuan ng dating pari na si Conrado “Ka Ambo” Balweg ang armadong grupo na nakipagkasundo sa gobyerno.
Dahil naman sa peace agreement, nagkaroon ng katahimikan sa rehiyon hanggang sa nabuo ang CAR na kinabibilangan ng Abra, Apayao, Baguio City, Benguet, Ifugao, Kalinga, at Mountain Province.