Nasa isang “conflict ridden area” umano sa Mindanao si Pangulong Rodrigo Duterte kaya’t bigo siyang makadalo sa mga aktibidad kaugnay sa ika-154 na kaarawan ni Gat. Andres Bonifacio kahapon.
Ito ang paliwanag ng Malakaniyang makaraang mapansin ng publiko ang pagiging absent ng Pangulo sa ginawang seremoniya sa monumento ni Bonifacio sa Caloocan City kung saan, si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kumatawan sa punong ehekutibo.
Magugunitang dumalo rin sa nasabing pagdiriwang si Vice President Leni Robredo subalit hindi siya, kung hindi si Lorenzana ang umakyat sa entablado para pangunahan ang wreath laying ceremony o pag-aalay ng bulaklak.
Kapwa inihayag nila Presidential Spokesman Harry Roque at Communications Secretary Martin Andanar na hindi dapat lagyan ng kulay ang nangyari lalo’t mayruon nang mga nakatokang miyembro ng gabinete para daluhan ang iba’t ibang aktibidad na may kinalaman sa okasyon.