Nakikiisa ang Malacañang sa inilabas na Resolution 518 ng Senado na nanawagan sa gobyerno na itigil na ang drug-related killings sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman, Undersecretary Ernesto Abella, wala silang nakikitang masama sa pangamba ng Senado sa mga patayan at pagkondena nito sa extrajudicial killings o EJK.
Gayunman, hindi kailanman anya naging polisiya ng estado ang EJK at napatunayan naman ito noon pa ng Senate Committees on Justice and Human Rights at Public Order and Illegal Drugs.
Iginiit ni Abella na hindi rin kinukunsinti ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis na sangkot sa ganitong uri ng pang-aabuso at sa katunayan ay inimbestigahan na ang aabot sa 1,900 drug related investigations.
Ulat ni Jopel Pelenio