Nanindigan ang Malacañang na na-liquidate nang maayos partikular ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang mga naging biyahe ng pangulo sa ibang bansa.
Inihayag ito ni Presidential Spokesman Ernesto Abella bilang tugon sa pahayag ng Commission on Audit (COA) na ilang milyong piso umano ang hindi na-liquidate sa mga naging biyahe nito sa Brunei, Indonesia at ilan pang bansa sa mga naging presidential trips ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Abella, mismong si PCOO undersecretary Noel Puyat ang makapagpapatunay na agad nili-liquidate ang mga cash advances ilang araw matapos makabalik sa bansa ang pangulo.
Sa pagkakaintindi ng kalihim, pinoproseso pa ng accounting ang lahat ng liquidation para isumite sa COA.
Kaugnay nito, sinabi ni Usec. Puyat na sa pinakahuling annual audit report ng COA, walang notice of suspension, disallowance o charges na inisyu sa PCOO para sa taong 2016.
Ang napansin aniya ng COA ay ang gastos ng nakalipas na administrasyon na P 20 million mula Enero hanggang hunyo ng nakalipas na taon na ginamit umano sa media representation gaya ng pagkain, inumin, gifts at raffle prizes at karamihan dito ay hindi suportado ng official documents.
By Meann Tanbio