Pinawi ng Malacañang ang agam-agam ng publiko sa posibilidad na makinabang ang mga mambabatas kapag naamyendahan ang saligang batas sa pamamagitan ng Constitutional Assembly o Con-Ass.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ang susunod na henerasyon na ang magiging benepisyaryo ng Charter Change at hindi ang kasalukuyang mga nakaupong lider ng bansa.
Ipinaliwanag ng kalihim na layon ng Chacha sa pamamagitan ng Con-Ass na maisulong ang hinahangad na Federalismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, hindi masabi ni Abella kung magkano ang magagastos ng gobyerno sa pag-amyenda sa konstitusyon.
Una rito, sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno na magastos ang Constitutional Convention o Con-Con dahil sa mga babayarang delegado, staff at upa sa gagamiting gusali kayat napagdesisyunang Con-Ass na lamang dahil ang mga mambabatas ang mag-aamyenda at hindi na kailangang bayaran pa ang mga ito.
By: Meann Tanbio