Pinayuhan ng Malacañang si Presidential Communications Assistant Secretary for Social Media Mocha Uson na umiwas munang mag-perform sa mga casino.
Alinsunod na rin ito sa nakapaloob sa Memorandum Circular 6 ni Pangulong Rodrigo Duterte na inilabas noong 2016 na nagbabawal sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na magpunta sa mga casino.
Nasentro ang atensyon kay Uson matapos itong makitang nag-perform kasama ang kanyang grupong Mocha Girls sa Resorts World Manila sa Pasay City.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, malinaw ang inilabas na direktiba ni Pangulong Duterte at kinausap na ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar si Uson hinggil sa issue.
Naiintindihan aniya ng Palasyo na mayroong kontratang dapat sundin si Uson pero hindi dapat sa mga casino.
Gayunman, nilinaw ni Abella na malaya naman si Mocha na mag-perform kasama ang kanyang grupo sa mga lugar na hindi ipinagbabawal sa mga government official at personnel.
Ulat ni Aileen Taliping
SMW: RPE