Positibo ang Malacañang na kakatigan ng Kongreso ang hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ng isang taon ang martial law sa Mindanao.
Ayon kay Presidential Harry Roque, nananatili pa rin ang banta ng iba’t ibang mga teroristang grupo bukod pa sa mga pag-atake ng New People’s Army o NPA sa Mindanao.
Iginiit pa ni Roque na nais lamang ng pamahalan ang tuluyang masugpo ang terorismo at karahasan sa Mindanao.
Kasabay nito hinimok ni Roque ang mga tumututol sa muling pagpapalawig ng martial law sa Mindanao na dumulog at kwestiyunin sa Korte Suprema sakaling maaprubahan ito.
Gayunman binigyang diin ni Roque, na dalawang beses nang ibinasura ng Korte Suprema ang mga inihaing petisyon laban sa ipinatutupad na martial law sa Mindanao.
Una rito ay natanggap na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang liham ni Pangulong Rodrigo Duterte na humihiling na palawigin pa ng hanggang isang taon ang idineklarang Martial Law sa Mindanao.
Nakasaad sa nasabing liham na kung pagbibigyan, magiging epektibo ang martial law extension mula Enero 1 hanggang Disyembre 31 ng taong 2018.
Binigyang diin ng Punong Ehekutibo ang pangangailangang mapalawig ang batas militar upang masupil ang iba pang mga teroristang kumikilos sa iba pang bahagi ng Mindanao kabilang na ang komunistang CPP-NPA na naghihintay lang ng pagkakataon upang umatake.
—-